232
crime-scene-
By

5-anyos na bata, sugatan sa hostage-taking sa Cubao

Sharing is caring!

Malubhang nasugatan ang limang taong gulang na batang lalaki makaraang gawing hostage at tutukan ng barbecue stick sa leeg ng isang lalaking tila napapraning sa loob ng bakeshop sa Quezon City kaninang umaga.

Sa inisyal na imbestigasyon ni SPO1 Rodolfo Ramos Jr., ng QCPD Anonas Police Station 9, nakilala ang biktima na si Raymart Omega, 5-anyos, at residente ng No. 34 Pajo St., Brgy. Quirino 2 A, ng nasabing lungsod.

Agad namang naaresto ang suspek na si Emmanuel Viyo Villoza, 47, residente ng Benitez St., Arayat, Cubao.

Batay sa pahayag ng mga nakasaksi sa hostage-taking, alas-9:30 ng umaga kanina (Hunyo 14), nagulat sila nang biglang damputin ng suspek na tila napapraning ang bata at mabilis na tinutukan sa leeg ng barbecue stick habang nakatayo sa harap ng Red Ribbon Bakeshop na matatagpuan sa Aurora Blvd., Anonas, QC.

Ipinasok ng suspek ang bata sa stockroom ng Red Ribbon habang nakatutok pa rin ang stick sa leeg ng umiiyak na bata kaya agad na nilang ipinagbigay-alam sa Anonas Police ang insidente.

Agad namang nagresponde ang mga pulis-Anonas at matapos ang isa’t kalahating oras na negosasyon, at nang makitang dumudugo na ang leeg ng bata ay nakakuha ng pagkakataon ang mga awtoridad at mabilis na dinakma ang suspek at nailigtas ang biktima.

Isinugod ang biktima sa World Citi Colleges Medical Center matapos na magtamo ng bali at malalim na sugat sa leeg, habang ang suspek ay dinala sa Anonas Police Station para isailalim sa imbestigasyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?