By

4th straight crown naiuwi ng Lady Bulldogs

Sharing is caring!

Kumapit ang National University sa payoff period upang padapain ang University of the East, 79-68 at sikwatin ang pang-apat na sunod na titulo kahapon sa UAAP Season 80 women’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.

Pumalag ang Lady Warriors, hinawakan ang 54-51 bentahe sa unang tatlong periods pero bumangis ang Lady Bulldogs sa fourth quarter kung saan ay naagaw nila ang bandera.

Lumamang ng 12 puntos ang NU, pero naging anim na lang, 58-52 mula sa undergoal stab ni Eunique Chan may 8:18 minuto na lang sa orasan.

Naniguro ang Lady Bulldogs, pinagtrabaho nila si Congolese center Rhena Itesi na umiskor ng 11 sa kanyang 15 points sa final eight minutes ng bakbakan.

Napahaba ng Lady Bulldogs ang kanilang winning streak sa 64 games habang pinuri ni coach Pat Aquino ang kalaban nilang Lady Warriors dahil sa ipinakitang tikas.

“I’m so happy for the girls. They never let down. Bumabalik sila, lumalaban until the end of the game,” hayag ni Aquino. “I gave credit to UE, they played one hell of the game.”

Nagtala si graduating shooter Trixie Antiquiera ng 19 puntos, tinanghal siyang Finals MVP honors.

Nagrehistro rin si Itesi ng 13 rebounds, may 14 puntos naman si Ria Nabalan habang si season MVP Jack Danielle Animam ay may nine markers, 23 boards, apat na assists at tatlong steals para sa NU.

Namuno sa opensa para sa UE si Ruthlaine Tacula na kumana ng 25 points, 12 rebounds at limang assists. (Elech Dawa)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?