20

Aug 28, 2020 @ 14:10
By

‘4M ‘di naka-enroll dahil sa pandemya’

Kailangang palakasin at palawigin ang Alternative Learning System o ALS bilang bahagi ng pagbangon ng sektor ng edukasyon mula sa pinsalang dulot ng COVID-19 pandemic, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian.

Sabi nito, bibigyan ng programa ito ng pangalawang pagkakataon ang mga huminto at hindi nakatapos ng kanilang pag-aaral, lalo na ang ang mahigit apat na milyong hindi nagpa-enroll ngayong taon dahil sa epekto ng pandemya.

Ang ALS ay isang programa ng Department of Education o DepEd na layong bigyan ng pagkakataong makapag-aral ang parehong bata at nakatatandang hindi maipagpatuloy ang kanilang edukasyon dahil sa iba’t ibang uri ng mga sagabal na kanilang kinakaharap.

Ayon kay Gatchalian, mahalaga ang papel ng ALS upang maabot ang mga mag-aaral na nanganganib na huminto sa pag-aaral.

Sa datos ng DepEd nitong Agosto 27, merong 361,398 nagpatala sa programa para sa darating na pasukan. Katumbas nito ang apatnapu’t siyam (49) na porsyento lamang ng 738,929 nagpatala sa programa noong nakaraang taon.

Sa pinakahuling pag-aaral ng World Bank, may 24 milyong Pilipinong may edad 15 pataas ang hindi nakatapos ng high school.

“Ang ALS program na ito ang sasalo sa mga hindi makakapag-aral. Importanteng may mekanismo na sasalo sa kanila. ‘Di pwedeng putulin yung paghihikayat na pumasok itong mga out-of-school youth,” pahayag ng Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and CultureSi Gatchalian ang may akda at sponsor ng Senate Bill No. 1365 o ang ALS Act na sisiguruhing bawat lungsod at munisipalidad sa bansa ay may ALS Community Learning Center.

Layunin nito na matiyak ang programa ay aabot sa lahat ng hindi pa nakapagtapos ng kanilang pag-aaral at nais ipagpatuloy ito.

Tulad ng programa ng DepEd para sa blended learning ngayong taon, isinusulong ng panukalang batas ang iba’t ibang paraan ng pagtuturo tulad ng online learning, paggamit ng modules, radyo, telebisyon, at iba pa. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?