19

Jul 27, 2021 @ 15:57

48% mahirap na Pinoy kinalungkot ng Palasyo

Ikinalungkot ng Malacañang ang resulta ng Social Weather Stations (SWs) survey na 48% ng pamilyang Pilipino ang itinuturing na mahirap ang kanilang sarili.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na malungkot ang Palasyo sa resulta ng survey pero ito ay hindi dahil sa kapabayaan o kasalanan ng gobyerno kundi dahil sa epekto ng COVID -19 pandemic na umatake sa bansa at sa buong mundo.

“Nalulungkot tayo diyan , pero yan po ay dahil na rin po sa nagaganap na pandemya,” ani Roque.

Pero sinabi ng kalihim na sa kabila ng dinaranas na hirap dahil sa epekto ng pandemya ay hindi naman aniya nagpabaya ang gobyerno dahil nagbigay ng tulong pinansyal at ayuda sa sambayanan.

“Gaya ng sinabi ng Presidente, bagamat mahirap ang buhay dahil nawawalan ng trabaho ang ating mga kababayan, sa kauna-unahang pagkakataon sa ating kasaysayan ay nagbigay naman tayo ng 660 billion worth of social amelioration, ayuda at iba pang tulong sa pamamagitan ng mga pautang at outright grant sa ating mga mahihirap,” dagdag ni Roque.

Dahil sa COVID pandemic ay maraming Pilipino ang pansamantalang nawalan ng trabaho matapos magsara ang mga negosyo at ang iba ay tuluyang hindi nakabawi dahil sa mahabang lockdown at ipinatutupad na mahigpit na community quarantine.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?