8

Jul 30, 2020 @ 15:08
By

48 LSI sa Rizal Stadium COVID positive

Umabot na sa 48 locally stranded individual (LSI) na namalagi sa Rizal Stadium sa Maynila ang nagpositibo sa COVID—19, ayon kay Presidential Management Staff (PMS) Assistant Secretary Joseph Encabo na siyang lead convenor ng Hatid Tulong program ng gobyerno.

Dahilan para ipasara muna ang Rizal Stadium upang isailalim sa disinfection habang dadalhin naman sa quarantine facility ang mga LSI na COVID positive para isailalim sa confirmatory test.

Samantala, bukod sa disinfection ay nilinis na rin ang Rizal Stadium mula sa mga basurang iniwan ng mga LSI.

Nabatid na nadagdagan pa ng siyam na truck ang hinakot na mga basura bukod sa naunang 30 toneladang nahakot kamakalawa.

Sinabi ni Director Kenneth Amurao ng Department of Public Services (DPS) ng Manila City Hall na patuloy ang kanilang trabaho sa lugar hanggang hindi naihahatid ang mga LSI sa kanilang mga lalawigan.

Ang hakbang ng lokal na pamahalaan ay bilang suporta ni Mayor Isko Moreno Domagoso sa Hatid Tulong program.

Ayon kay Amurao, nagkalat ang mga basura sa stadium at nangangamoy ang lugar dahil sa karumihan kung kaya’t kanilang nilinis ang mga pasilidad dito para ma-disinfect at mawala ang mabahong amoy.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?