259

Dec 16, 2017 @ 15:29
By

47% ng Pinoy na naniniwalang bubuti ang buhay, ikinalugod ng Palasyo

Ikinalugod ng Malacañang ang survey ng Social Weather Stations (SWS) na 47% ng mga Pinoy ang positibong gaganda ang kanilang buhay, habang 4% lang ang nagsabing inaasahang lalala ang kalagayan ng kanilang buhay.

Sinabi kahapon ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na magsisilbing inspirasyon sa gobyerno ang resulta ng survey at lalo pang pag-iibayuhin ang pagtatrabaho para makamit ang minimithing pagbabago sa ilalim ng Duterte administration.

Mataas aniya ang paglago ng ekonomiya, at ang Pilipinas na ang ‘fastest growing economy in Asia’ at isa sa pinakamabilis na paglago sa buong mundo.

Dahil dito hiningi ni Andanar ang patuloy na suporta ng mamamayan para mas mapabilis pa ang pagbabago na gustong mangyari ng mga Pilipino.

“Ito po ay magsisilbing inspirasyon sa atin sa gobyerno para magtrabaho pa, upang makamit natin nang mas mabilis ang pagbabago na minimithi at ipinangako sa atin ni Pangulong Duterte,” ang pahayag ni Andanar.

Ang third quarter SWS survey ay indikasyon aniya na marami ang naniniwalang may magagawa ang kasalukuyang administrasyon para mabago ang buhay ng mga Pilipino.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?