89

Dec 11, 2017 @ 15:08
By

46 Chinese na wanted sa cybercrime, pina-deport ng BI

Apatnapu’t anim na mga puganteng Chinese na wanted sa cybercrime ang naipadeport ng Bureau of Immigration (BI).

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, ang mga dayuhan ay naaresto ng BI-Fugitive Search Unit noong nakalipas na buwan sa operasyon na kanilang ikinasa sa Lungsod ng Makati.

Kasama sila sa 81 dayuhan na nadakip ng BI noong November 7 sa Burgundy Towers sa Gil Puyat Avenue kung saan sila ay iligal umanong nag-o-operate ng online trading business.

Sinabi ni Morente na naipadeport ang mga dayuhan noong December 1, 2017 sakay ng China Southern Airlines na may byaheng patungo ng Shenyang, China.

Bumiyahe ang mga dayuhan kasama ang kanilang mga Chinese police escort.

Dagdag pa ni Morente, nailagay na rin ang pangalan ng nasabing mga pugante sa immigration blacklist.

“We already placed them in our immigration blacklist to prevent them from re-entering the country,” saad ni Morente.

Kinumpirma naman ni Atty. Arvin Cesar Santos, hepe ng BI Legal Division, na noon pang November 17 nakapagpalabas ang BI board of commissioners ng summary deportation order laban sa mga Chinese nationals.

“The [Chinese] embassy also told us that their passports were already cancelled, thus they have become undocumented aliens subject to immediate deportation,” paliwanag ni Santos. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?