125

Feb 17, 2020 @ 15:15
By

420 ektarya kukunin sa reclamation project: Lani Mercado nireklamo ng mga mangingisda

Naghain ng reklamo ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) kontra kay Bacoor Mayor Lani Mercado-Revilla dahil sa pagkuha ng nasa 420 ektarya sa Manila Bay area.

Ang reklamo ay hinain ng grupo sa Ombudsman dakong alas-10 ng umaga nitong Lunes, Pebrero 17.

Ang reclamation ay isasagawa ni Mayor Mercado sa Coastal at Manila Bay. Ito ay sasakop ng 420 na ektarya – 320 na ektarya para sa Bacoor Reclamation and Development Project at 100 naman para sa Diamond Reclamation and Development Project.

Ayon sa panayam kay Congressman/ANAKPAWIS Representative Ariel Casilao, marami-rami ang paglabag na nagawa ni Mercado hinggil sa reclamation na pinamumunuan ng alkalde. Dahil sa pagpapatuloy ng nasabing reclamation na tinututulan ng PAMALAKAYA, umabot na sila sa pagsampa ng kaso sa Bacoor Mayor.

Ikinagagalit ito ng mga mangingisda at ng PAMALAKAYA dahil ang nasabing reclamation project ay maraming nilalabag na batas gaya nalang ng 2008 Supreme Court Mandamus: ‘Clean, Restore, Rehabilitate Manila Bay’ na kung saan ang layunin nito ay panatilihing nasa ayos ang look.

Isa pa sa nalalabag ang Administrative Order No 16 kung saan pinirmahan ni Pangulong Duterte ang rehabilitasyon para manumbalik ang ganda ng Manila Bay.

Dagdag pa ni Fernando Hicap, tagapangulo ng PAMALAKAYA, hindi nakipag-ugnayan sa Department of Agriculture at Bureau of Fisheries at Aquatic Resources si Mercado.

Sinimulan nito ang reclamation project nang hindi nakikipag-usap sa mga organisasyon ng gobyerno lalo na sa mga taga-Bacoor na lubhang naapektuhan sa nasabing proyekto.

Lalong ikinagagalit ng mga residente ng Bacoor dahil isinagawa na ang reclamation kahit na wala pang pagkokonsulta sa publiko, pagpapakalat ng impormasyon sa mga nasasakupan ng proyekto, kung kailan ang katapusan ng nasabing reclamation, ang halaga ng pondong gagamitin para rito o kahit man lang ang pangalan ng proyekto ay hindi pinaalam sa mga taga-Bacoor.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?