54
417 ektarya ng pananim sa Central Visayas, napinsala ng El Niño
By

417 ektarya ng pananim sa Central Visayas, napinsala ng El Niño

Umaabot sa 417.3 na ektarya ng pananim sa Central Visayas ang nalanta dahil sa matinding init ng El Niño base sa pinakahuling datos ng Department of Agriculture (DA).

Ang kakulangan ng ulan at ang matinding init ng araw ang sumira sa mahigit 267 ektarya ng pananim sa Asturias, 50 ektarya sa Naga City at nasa 2.3 ektarya ang nasira sa Balamban sa Cebu.

Apektado din ng dry spell ang 78 ektarya sa Mabinay at Valencia sa Negros Oriental at ang 20 ektarya na pananim sa apat na bayan ng Siquijor.

Ayon kay Joel Elumba, DA 7 technical director for research and regulations, kasalukuyang kumikilos na ang El Niño Task Force para makatulong sa mga lugar na lubos na naapektuhan ng tagtuyot.

Naglaan na ng P35 million ang DA para maipamahagi sa mga magsasaka na naapektuhan habang naglaan na rin sila ng P2.5 million para sa cloud seeding.

Base sa survey na ginawa noong Marso 18 ng technical working group, inihayag nito na nasa 27 local government units na ang pinakaapektado ng dry spell.

Kabilang dito ang mga lungsod ng Carcar, Danao, Mandaue at Toledo at bayan ng Asturias, Alcantara, Aloguinsan, Alcoy, Argao, Balamban, Bantayan, Boljoon, Carmen, Compostela, Consolacion, Daanbantayan, Dalaguete, Dumanjug, Madridejos, Medellin, Minglanilla, San Remigio, Sta. Fe, Sibonga, Sogod, Tabuelan at Tuburan.

Umaabot na sa P100 milyong halaga ang nakita nilang estimated damage sa mga nasabing lugar na kung saan ay apektado ang pananim, pangingisda at kabuhayan ng mga residente.

Nauna nang inihayag ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office Chief Baltazar Tribunalo na hinihikayat niya ang 27 apektadong LGU na magdeklara ng state of calamity na magagamit nila para sa quick response funds dahil hindi kaya ng kapitolyo na pondohan ang lahat ng mga apektadong bayan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?