89

Dec 19, 2017 @ 17:02

41 patay, 45 nawawala sa pananalasa ni Urduja

Umakyat na sa 41 ang namatay habang 45 naman ang nawawala pa dahil sa pananalasa ng bagyong Urduja.

Ayon kay Romina Marasigan, spokesperson ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 28 sa mga namatay ay mula sa Biliran, lima sa Leyte, tatlo sa Masbate, dalawa sa Samar at isa sa Eastern Samar, Surigao del Norte at Camarines Sur.

Subalit nilinaw nitong ang mga nasawi ay hindi pa kinukumpirma ng Department of the Interior and Local Government.

Hindi rin updated ang datos ng NDRRMC sa talaan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).

Samantala, 12,682 na pamilya o 57,691 katao ang nananatili sa 381 evacuation centers sa sa Mimaropa, Bicol, Eastern Visayas, Western Visayas, Central Visayas at Caraga.

Naglaan naman ang gobyerno ng P41,185,423.80 para sa kanilang ayuda sa mga naapektuhang residente.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?