232

Oct 21, 2017 @ 15:59

41-anyos sinaksak ni “Diablo”

Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad ang isang nakilala lamang sa alyas na ‘Diablo’ matapos saksakin ang isang 41-anyos na lalaki sa Marikina City, kamakalawa.

Batay sa report mula sa tanggapan ni EPD District Director S/Supt. Romulo Sapitula, nakilala ang biktima na si Marlon Santos y Angeles, may-asawa, walang trabaho at residente ng 874 J.P. Rizal St. Concepcion Uno, Marikina City.

Naganap ang pananaksak bandang 6:10 kamakalawa ng gabi sa labas ng bahay ng biktima sa Concepcion Uno habang nakatayo lamang umano ang biktima nang lumapit ang suspek at walang sabi-sabing bigla na lamang siyang inundayan ng saksak.

Ayon sa nakasaksi na si Aljun Bangquil y Solar, 23-anyos, walang trabaho at residente ng 679 J.P. Rizal St. Concepcion Uno, Marikina City, natanungan siya ng isang batang nasa edad na 10-12 taong gulang at inutusan umano ang bata ng isang alyas diablo na hanapin ang bahay ng biktima at nang kanya nang itinuro ay agad na tumakbo ang bata.

Ilang minuto lang ang nakalipas ay may nakita naman siyang isang lalaki na tumatakbo patungong Libis Creek, Barangay Tumana at pagdating niya sa kanilang lugar ay nakita na nya ang biktima na nakahandusay sa labas ng kanilang garahe.

Kasalukuyang nagsasagawa ng follow up operation ang Marikina police upang matukoy ang pagkakakilanlan ng sinasabing diablo at matukoy ang sanhi ng pananaksak. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?