89

Feb 26, 2020 @ 22:10
By

400 pulis kinalat sa New Clark City para bantayan ang mga naka-quarantine

Umaabot sa 400 pulis ang ikinalat sa paligid ng New Clark City (NCC) sa Capas, Tarlac kung saan kasalukuyang naka-quarantine ang 445 na overseas Filipino worker (OFW) na na-repatriate mula sa isang cruise ship na tinamaan ng COVID-19 sa Yokohama, Japan.

Ayon kay Police Regional Office (PRO) 3 Director Police Brig. General Rhodel Sermonia, simula pa noong Lunes ng gabi ay ang nasabing bilang na ng pulisya ang nagsasagawa ng seguridad sa Athletes’ Village sa NCC.

Base sa statement ni Sermonia, ang mga naka-deploy na PNP personnel ay inutusang magsagawa ng maximum tolerance security sa paligid at maging alerto upang masiguro sa publiko ang kaayusan at katiwasayan sa lugar.

Ang mga repatriate ay mula sa M/V Diamond Princess na dumating sa Clark Air Base, Martes ng gabi sa pamamagitan ng dalawang chartered flight dakong alas-10 ng gabi at alas 12 ng hatinggabi.

Ang 445 na OFW na kinabibilangan ng cruise ship crew, pasahero, medical team at flight crew ay nakatakdang tumigila ng 14 na araw bilang quarantine period.

Matatandaang umabot sa 30 pinoy na nauna ng umuwi mula sa Wuhan City sa China, ang pinagmulan ng COVID-19 ang nagtapos nang kanilang 14 quarantine period sa NCC.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?