217

Jan 4, 2019 @ 18:41
By

400 Pinoy nurse, kailangan sa Germany

Nangangailangan ang bansang Germany ng 400 Filipinong nurse.

Inanunsiyo ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na nagsisimula na silang tumanggap ng aplikasyon para sa kinakailangang mga Filipinong nurse sa ilalim ng Triple Win Project ng Germany.

Ang mga kuwalipikadong aplikante ay kinakailangang nagtapos ng nursing, lisensyadong nurse sa Pilipinas at may dalawang taong karanasan sa pagiging nurse sa ospital, rehabilitation center o ‘di kaya ay sa mga care institution.

Ang Triple Win Project ay pinagsamang inisyatibo ng German Federal Employment Agency at ng POEA na naglalayong mag-deploy ng mga nursing professional sa iba’t ibang panig ng Germany.

Ang mga interesadong aplikante ay dapat na marunong sa wikang Aleman o handang sumailalim sa German language training.

Ang mga matatanggap na aplikante ay mabibigyan ng buwanang sahod na 1,900 Euro na katumbas ng mahigit P100,000.

Sasaluhin umano ng employer ang gastusin para sa visa at pamasahe sa eroplano mula Pilipinas patungo ng Germany at tutulong din sa paghahanap ng maayos na matitirhan.

Ang deadline para sa pagsusumite ng aplikasyon sa POEA Central at Regional Offices ay sa Pebrero 28, 2019.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?