101

Jan 24, 2018 @ 21:46
By

40 taon sa kalaboso para sa makakapatay sa hazing – Senate panel

Inendorso ng Senate committee on public order and dangerous drugs ang pagpapabigat ng parusa para sa makakapatay sa hazing rites.

Bunga ito ng imbestigasyon ng Senado sa pagkamatay ni University of Sto. Tomas (UST) law student Horatio “Atio” Castillo III sa hazing ng gustong salihan na Aegis Juris fraternity.

Sa Senate Bill 1662, ipagbabawal na ang lahat ng paraan ng hazing ng mga fraternity, sorority at organisasyon sa mga eskwelahan, komunidad at kahit sa mga business at uniformed service learning institution.

Layon dito na maging reclusion perpetua o 40 taong pagkakabilanggo at P3 milyong multa ang parusa sa mapapatunayang lumahok sa hazing rites na nauwi sa pagkamatay ng biktima.

Pinalawak din dito ang pakahulugan sa hazing upang hindi na makapagpalusot ang masasangkot sa ganitong krimen.

Ituturing na hazing ang pagpapahirap na mauuwi sa “physical or psychological suffering” ng neophyte o aplikante sa fraternity, sorority o anumang samahan.

“It covers actions ranging from paddling to forced calisthenics, exposure to the weather, forced consumption of food, drinks or drugs, and “any other brutal treatment or forced physical activity which is likely to adversely affect the physical and psychological health of such recruit, member, neophyte or applicant,” ayon kay Senador Panfilo Lacson, chairman ng komite.

Bibigyan naman ng poder ang mga eskwelahan na magpataw ng disciplinary action na hanggang sa expulsion sa mga pinuno at opisyal ng fraternity na masasangkot sa hazing.

Ituturing nang principal at hindi lamang basta kasabwat ang may-ari ng lugar na pagdarausan ng hazing rights at kapag hindi nagsuplong sakaling madiskubre ang gawain. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?