42

Oct 8, 2017 @ 16:27

40 lasenggo dinampot sa QC

Naudlot ang masayang inuman ng halos 40 katao matapos pagdadamputin ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) habang nag-iinuman sa Quezon City, sa patuloy na isinasagawang ‘anti-criminality operation’ sa lungsod.

Sinabi ni Senior Insp. Felipe Fermin Jr., hepe ng Drug Enforcement Unit ng QCPD Station 1, ang mga nahuling pasaway ay mula sa mga  lugar ng La Loma tulad ng Brgy. Apolonio Samson, Sto. Domingo, Manresa, Balinggasa, at Caingin Bukid.

Apat na babae ang dinampot din na nakikipag-inuman. Isang binatilyo naman ang hinuli dahil pagala-gala pa ito sa lansangan sa dis-oras ng gabi.

Nabatid na ang mga naaaresto  ay isinasailalim  sa ‘verification process’  upang malaman kung ang mga ito ay may  criminal record.

Ayon kay Fermin, ang mga unang beses pa lamang na nadadakip sa pag-inom sa kalye ay pagbibigyan at pakakawalan muna, subalit kapag muling naaresto sa ikalawang pagkakataon ay makukulong na ang mga ito.

Sa mga bata naman na ikatlong ulit nang nahuhuling gumagala pa sa kalye sa dis-oras ng gabi ay ang mga magulang ng mga ito ang makakasuhan. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?