133

Nov 10, 2019 @ 17:07
By

40 bilanggo ng Iwahig penal colony tumakas

Tumakas kahapon sa kanilang piitan ang 40 bilanggo ng Iwahig Prison and Penal Farm sa Puerto Princesa, Palawan na pinalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) subalit muling sumuko sa awtoridad dahil sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang pagtakas ng mga preso ay kinumpirma kahapon ni Levy Evangelista, tagapagsalita ng Iwahig Prison and Penal Farm.

Posible umanong nainip na ang mga bilanggo sa paghihintay ng kanilang paglaya sa piitan.

Napag-alaman na ang mga preso ay nagkanya-kanyang takas sa iba’t ibang exit point ng penal colony at hindi sila dumaan sa main gate ng nasabing detention facility.

Base sa ulat, gusto nang umuwi ng mga preso subalit hindi sila pinayagan ng pamunuan ng penal farm at sinabihang maghintay ng kanilang papel na kasalukuyang pinoproseso ng Department of Justice.

Sa ngayon, muling nakikiusap ang opisyal ng Penal Farm sa mga tumakas na bilanggo na muling bumalik sa piitan at antayin ang kanilang pormal na release paper upang maging legal ang kanilang paglaya.

Matatandaang noong Setyembre 2019, inutos ni Duterte sa mga nakalayang preso, sa bisa ng GCTA, na muling sumuko sa loob ng 15 araw dahil kung hindi ay ituturing silang mga takas na bilanggo.

Naging kontrobersyal ang GCTA matapos mapag-alamang isa si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez sa mga makikinabang nito.

Si Sanchez ay convicted rapist at murderer dahil sa pangre-rape at pagpatay kila UP Los Baños student Eileen Sarmenta at Allan Gomez.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?