17

By

4 sugatan sa away ng 2 angkan sa Lanao del Sur

Sharing is caring!

Sugatan ang apat na katao matapos ang engkuwentro sa pagitan ng dalawang angkan sa Barangay Gandamato, Bacolod Calawi, Lanao del Sur kahapon ng hapon.

Ayon kay Joint Task Force Ranao Deputy Commander Col. Romero Brawner, alas-4:30 ng hapon kahapon nakatanggap ng ulat ang tropa ng 65th Infantry Battalion ng Philippine Army na may nagaganap na palitan ng putok sa pagitan ng Amanodin at Dipatuan clans na nagtagal ng halos isang oras at nagdulot ng pagsikip ng daloy ng mga sasakyan sa lugar.

Nasugatan ang apat na katao sa panig ng pamilya Amanodin.

Dahil dito agad na rumesponde ang tropa ng militar sa lugar na pinaputukan din ng mga armadong kalalakihan.

Matapos ang halos 15 minutong engkuwentro ay nakontrol ng militar ang kaguluhan sa lugar.

Sinabi naman ni Major General Roseller Murillo, commander ng Joint Task Force Ranao, na hindi kinukunsinti ng militar ang nagaganap na rido sa lugar, sa halip ay patuloy silang magsasagawa ng law enforcement operarions katuwang ang Philippine National Police na bahagi na rin ng umiiral na martial law sa Mindanao.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?