109

Dec 11, 2017 @ 11:53
By

4 SC justices, tumestigo sa Sereno impeachment hearing

Apat na kasalukuyan at dating mahistrado ng Korte Suprema ang humarap sa pagdinig ng House committee on justice sa impeachment complaint laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ito’y sina Associate Justices Teresita de Castro, Francis Jardeleza, Noel Tijam at dating justice Arturo Brion.

Tetestigo si De Castro sa alegasyon ni Atty. Larry Gadon na dinoktor ni Sereno ang ilang resolusyon ng korte.

Sina Jardeleza at Brion naman ay inaasahang tetestigo sa umano’y manipulasyon ng shortlist ng Judicial and Bar Council (JBC), habang si Tijam ay ukol sa paratang na inupuan ng Chief Justice ang hiling na mailipat ang Maute cases.

Pinasalamatan ni committee chairman Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali ang mga mahistrado dahil ang pagdalo aniya ng mga ito ay pagpapakita ng paggalang sa proseso.

Ayon kay Umali, magandang halimbawa ito ng pag-iral ng checks and balance ng mga sangay ng gobyerno nang hindi kailangang nagbabanggaan ang mga ito.

Kasabay nito’y inulit ng kongresista na nananatili ang imbitasyon ng komite kay Sereno para personal na sagutin ang mga alegasyon laban dito.

“There is a continuing invitation to the respondent (Sereno) to attend the proceedings,” sabi ni Umali. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?