382
laptop-computer-watching
Mar 17, 2018 @ 11:23
By

4 pulis, sundalo huli sa online sabong sa Bulacan

Nadakip ang apat na pulis at isang sundalo sa isinagawang operasyon ng Philippine National Police (PNP) Counter Intelligence Task Force (CITF) at PNP-Anti-Cyber Crime Group (ACG) dahil sa pag-o-operate ng illegal online sabong sa Baliuag, Bulacan.

Ayon kay Chief Insp. Jewel Nicanor, tagapagsalita ng PNP-CITF, alas-9:45 kagabi nang maaresto ang mga ito matapos magsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng CITF at ACG sa isang restaurant sa nabanggit na lugar.

Kinilala ang mga naaresto na sina PO3 Nolasco Bernardo Juan, nakatalaga sa Camp Olivas; PO1 Jestoni Gonzales Fuentebella, nakatalaga sa Provincial Mobile Force Company Bulacan; PO1 Jeffrey Mateo, nakatalaga sa Angat Municipal Police Station, at PO1 Emmanuel Leonardo, na taong 2011 pa natanggal sa serbisyo.

Habang ang sundalo ay kinilalang si Private First Class Enrique Quinaquin Jr., miyembro ng Philippine Army.

Nadakip din ang ilang sibilyan na nagsisilbi namang tagapagpataya at operators ng illegal online cockfighting.

Sa ngayon nasa ACG na ang may-ari ng online sabungan na si Enecito Dahan Payapaya para sumailalim sa imbestigasyon.

Base sa rekord ng CITF, umaabot na sa 150 indibiduwal ang kanilang naaresto dahil dito.

Kinabibilangan ito ng apat na pulis, isang sundalo, anim na local government official at 139 sibilyan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?