75

Jul 15, 2019 @ 17:24
By

4 preso na pumatay ng kakosa, kinasuhan

Sinampahan ng kasong murder sa Quezon City Prosecutor’s Office ang apat na inmates ng Quezon City Police District (QCPD) dahil sa pagkamatay ng kasamahang preso na unang napaulat na nilagnat, matapos umanong bugbugin sa loob ng piitan nitong nakalipas na Hulyo 10, 2019 (Miyerkoles).
Ayon kay QCPD Talipapa Police Station (PS 3) commander PSupt Alex Alberto, nadagdagan ng kasong murder ang mga inmate na nakilalang sina Jhonry Dimson, 25, binata, residente ng Sitio Sumilang, Brgy. San Jose Antipolo Rizal; Marlon Sarmiento, 31, binata, ng Sitio Barimbao, Brgy. Pasong Tamo, QC; at Jonathan Torno, 36, binata, residente ng Sitio Bathala, Brgy. Bahay Toro, QC; pawang nakapiit sa Talipapa Police Station 3).
Samantalang ang isa pang suspek na si Avelino Labenia Jr., 21, binata, residente ng 179 Denmark St., Brgy. Tandang Sora, QC., ay nakakulong na ngayon sa QC Jail matapos ilipat dahil sa court commitment order.
Nakilala ang biktima na si Romeo Borja, 44, nakakulong din sa QC Talipapa Police Station 3 at residente ng 38 Pipit Street, Brgy. Talipapa, QC.
Sa report ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), naganap ang insidente sa loob ng detention cell ng nabanggit na police station, dakong ala-1:45 ng madaling-araw noong Hulyo 10, 2019.
Nabatid na nag-ugat ang insidente habang palabas umano ang biktimang si Borja sa banyo ng detention cell nang aksidente umano nitong mahawakan ang duyan na tinutulugan ni Sarmiento.
Ikinagalit umano ni Sarmiento ang pagkasagi sa kanyang duyan kung kaya pinagsusuntok at sinipa niya ang biktima sa katawan at ulo.
Habang sina Dimson, Torno at Labienia Jr., sa halip na awatin ang ginagawang panggugulpi ni Sarmiento sa biktima ay tumulong pa umano ang mga ito para bugbugin ang walang kalaban-laban na preso.
Matapos ang panggugulpi sa biktima ng mga suspek, ay saka nila sinabi sa mga naka- duty na sina PCpl. Dennis Tokpil at PCpl. Jessie Ruales na nilalagnat umano ang kanilang kasamang preso kaya isinugod ito sa Quezon City General Hospital (QCGH) subalit idineklara itong dead on arrival.
Nabatid na bukod kay Borja, sa parehong petsa ay namatay din ang isa pang preso na nakilalang si Norvic Villanueva, 36, binata at residente ng No. 14C Oliveros Drive, Brgy. Apolonio Samson, Balintawak, QC, matapos na mahirapan umanong huminga. (

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?