78

Jun 24, 2022 @ 14:22
By

4 Pinoy seaman, nakaligtas sa aksidente sa Pacific Ocean

Inaasahang makakauwi na sa susunod na linggo ang apat na Pilipinong seaman na nakaligtas sa banggaan ng dalawang barko sa karagatang sakop ng Pacific Ocean.

Sa Laging handa public briefing, sinabi ni Administrator Leo Hans Cacdac ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na tinatapos na lamang ng apat na mga Pinoy seaman ang kanilang quarantine sa isang hotel sa Taiwan bago makauwi ng Pilipinas.

Maayos aniya ang kalagayan ng apat na Pinoy seamen na nasa Taiwan sa ngayon at kapag maayos na ang lahat ay makakauwi na ang mga ito sa Pilipinas.

“They are all safe and sound, they are in quarantine kasi hinala sila from Solomon Island, dinala sila sa Taiwan.
They are now in quarantine in a Taiwan hotel. They’re in good hands kasi under quarantine sila and then in due time, sa pagkakaintindi ko by next week makakauwi na sila,” ani Cacdac.

Tiniyak ng OWWA Chief na inaalalayan nila ang apat na seaman at binigyan ng mga kailangan kasabay ang pagtiyak na tutulungan ang mga ito hanggang sa makauwi sa Pilipinas.

“As of last night pinuntahan sila ng ating Polo officer binigyan ng food assistance and some other basic necessities. Monitor natin sila,” dagdag ni Cacdac.

Ang apat na Pinoy ay sakay ng Korean Reefer Ship na lumubog sa karagatan matapos banggain umano ng isang Taiwanese vessel malapit sa Solomon Islands noong June 8.

Kasama sila sa 31 tripulanteng nakaligtas sa trahedya sa karagatan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?