60

Nov 1, 2020 @ 14:42
By

4 patay sa pananalasa ni ‘Rolly’ sa Albay

Apat katao ang naiulat na nasawi sa pananalasa ng bagyong Rolly sa lalawigan ng Albay, Linggo ng umaga.

Base sa inisyal na ulat na nakarating kay Albay Governor Al Francis Bichara, dalawa ang nasawi sa hagupit ng bagyo, isa sa bayan ng Polangui at isa naman sa bayan ng Daraga.

“Mayroon kaming early reports na dalawang casualties, isa sa Polangui tapos isa sa Daraga. ‘Yung sa Daraga ‘yung nabuwal na uprooted na punong-kahoy eh nabagsakan ‘yun,” pahayag ni Bichara sa virtual press briefing.

“Saka mga dike na bumigay kaya nagkaroon ng bahay,” dagdag nito.

Bukod sa ulat ni Bichara, ilang mga netizen pa ang nagpost sa kanilang Facebook account hinggil sa mga pangyayari sa kani-kanilang lugar.

Sa litratong kuha ni Kenneth Rellama Reonal, isang bata ang nasawi sa Barangay Busac, Oas, Albay matapos umano itong malunod sa kasagsagan ng bagyong Rolly.

Samantala sa bayan ng Guinobatan, Albay ay isang misis ang nasawi ng matabunan din ito ng rumaragasang lahar at tubig baha, isa pa nitong anak ang nawawala habang nakaligtas naman ang asawa nito at dalawa pang anak.

Marami ding mga bahay ang lumubog sa putik mula sa lahar flow sa Purok 7 Barangay San Francisco, Guinobatan, Albay habang ilang tulay naman ang nasira habang nag-overflow din ang mga ilog sa mga bayan ng Camalig, Polangui, Guinobatan gayundin sa Legazpi City dahilan ng pagbaha sa mga kalsada at pasukin ang mga kabahayan ng tubig.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?