165

Dec 21, 2017 @ 20:08
By

4 patay sa pagtaob ng fastcraft sa Quezon

Apat na ang kumpirmadong patay sa tumaob na fastcraft sa karagatan ng Quezon kaninang umaga.

Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) Spokesman Captain Armand Balilo, batay sa impormasyong ipinabatid ng PCG-Northern Quezon, nasagip naman ang 166 na sakay ng MV Mercraft 3.

Dinala ang mga natagpuang labi sa Claro M. Recto Memorial District Hospital sa Infanta.

Sinabi ni Balilo na bukod sa PCG, at lokal na pulisya ng Infanta at Polilio, tumulong na rin sa rescue operation ang Philippine Army.

Katunayan, ginamit pa ng Philippine Army ang kanilang helicopter patungo ng Polilio Island.

Pero pahirapan aniya ang rescue operation dahil sa malakas na ulan at matataas na alon.

Bagamat hindi pa tukoy ang eksaktong dahilan ng aksidente, masama umano ang panahon sa Quezon nang maganap ang pagtaob ng MV Mercraft 3 na may sakay na 251 katao.

Galing ang fast craft sa Bayan ng Real at patungo sana ng Polilio nang mangyari ang aksidente.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?