139
4 patay, 2 sugatan sa pamamaril sa burol
By

4 patay, 2 sugatan sa pamamaril sa burol

Apat ang patay habang dalawa pa ang sugatan nang mamaril ang isang gunman sa ginaganap na burol sa Barangay Ilog, Infanta, Quezon, Miyerkoles ng gabi.

Nasawi habang dinadala sa Claro M. Recto Memorial District Hospital ang mga biktimang sina Herman Cuento, 70; Leon Cuento, 73; Manuel Cuerdo, 41, chief barangay tanod; at Michael Cuento, 50, STL manager, na kapwa mga residente sa lugar.

Stable na umano ang lagay ng mga sugatan na sina Maximo Cuento, 65, government employee; at Napoleon Miras, 68, chairman ng Ba­rangay Poblacion 1.

Ayon sa report, lumapit umano ang isang lalaki sa STL manager na si Cuento at binaril ito.

Nang bumagsak sa sahig ay pinagbabaril ulit ito ng maraming beses ng suspek habang tinamaan naman ng ligaw na bala ang iba pang mga biktima.

Agad tumakas ang gunman sakay ng motorsiklo nang maisagawa ang krimen.

Kasalukuyan nang iniimbestigahan ang insidente at inaalam na rin kung ang pagiging manager ni Cuento ang motibo sa krimen.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?