55

Dec 12, 2017 @ 18:17

4 pang Pinoy abante sa World Men’s 9-Ball

Nakisalo ang apat na iba pang Pinoy bets sa hindi pa natatalong sina Carlo Biado, Jeffrey Ignacio at Jeffrey de Luna sa knockout stage matapos itumba ang mga kalaban sa losers bracket ng 2017 World Men’s 9-Ball Championship Lunes ng gabi sa Al Arabi Sports Club sa Doha, Qatar.

Tinalo ni Francisco Felicilda si Iranian Takhti Zarekami, 9-1; diniskaril ni Israel Rota si German Andre Lackner, 9-4; ibinaon ni Warren Kiamco si Singaporean Teek Goh Chu, at tinumba ni Roland Garcia si Lebanese Mohammad Berjawi sa parehas na iskor na 9-6 para makatuntong sa huling silya sa Round of 64.

Napatalsik naman ang ikawalong miyembro ng delegasyon ng Pilipinas na si Johann Chua matapos na malasap ang 3-9 kabiguan kay Burmese Maung Maung na ikalawa niyang semplang sa double elimination format group stage.

Una nang tumapak sina Biado, Ignacio at De Luna sa KO stage matapos itala ang ikalawang sunod na panalo sa kani-kanilang grupo noong Linggo.

Hangad ng kasalukuyang World Games gold medalist na si Biado na makasulong sa Last 32 sa pagsagupa kay Swedish Daniel Tangudd habang si world No. 9 De Luna ay tangkang sungkitin ang silya kontra Russian Maksim Dudanets.

Ipagpapatuloy ng beteranong si Kiamco ang misyon kontra Chinese Kong Deijing gayundin si Ignacio na tutumbok kontra Lo Ho Sum ng Hong Kong.

Haharapin ni Felicilda si Japanese Naoyuki Oi habang si Rota ay makakatapat si Chinese Liu Haltao, at asam din ni Garcia na umabante sa money round kontra Bangladeshi Md. Al Amin.

Nais ng mga Pilipinong cuemasters na masungkit muli ang korona na huling iniuwi ni Francisco Bustamante noong 2010 at dati ring napanalunan nina Efren Reyes noong 1999 at Ronato Alcano noong 2006. (Lito Oredo)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?