27

Sep 12, 2021 @ 16:42
By

4 ospital sa Cebu tatanggap ng P3B sa 2022

Apat na ospital sa Cebu na pinatatakbo ng Department of Health (DOH) ang makatatanggap ng P3.02 bilyon sa susunod na taon para sa kanilang operasyon at dagdag na P355 milyon para sa imprastraktura at pambili ng kagamitan.

Ayon kay House Assistant Majority Leader at Cebu Rep. Eduardo Gullas ang matatanggap ng mga ospital ay mas mataas ng 11% sa P2.71 bilyon na nakalaan sa mga ito ngayong taon.

Ang Vicente Sotto Memorial Medical Center (VSMMC) sa Cebu City ay may nakalaang P2.16 bilyon; ang Cebu South Medical Center (CSMC) sa Talisay City ay may P496.23 milyon; St. Anthony Mother and Child Hospital (SAMCH) sa Cebu City ay makatatanggap ng P192.13 milyon; at ang Eversley Childs Sanitarium and General Hospital (ECSGH) sa Mandaue City ay may nakalaang P176.42 milyon.

Sinabi ni Gullas na sa ilalim ng P19.5 bilyong Health Facilities Enhancement Program (HFEP) ng DOH sa 2022 ay may makukuha rin ang mga nabanggit na ospital.

Ang VSMMC ay may P200 milyon samantalang ang ECSGH ay may P65 milyon para pambili ng mga bagong medical equipment.

Ang CSMC ay may P20 milyon para sa bagong imprastraktura at P15 milyon para sa medical equipment; at ang SAMCH ay may P20 milyon para sa imprastraktura at P15 milyon para sa medical equipment.

Sinabi ni Gullas na ang pondo ng apat na ospital sa ilalim ng HFEP sa susunod na taon ay mas mataas ng 60% kumpara sa P210 milyonna kanilang matatanggap ngayong taon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?