24

May 12, 2020 @ 13:52
By

4 na tulak, arestado sa P5.8M halaga ng shabu

Naaresto ang apat na katao na kinabibilangan ng isang babae sa ikinasang buy-bust operation na nagresulta sa pagkakasamsam ng P5.8 milyon halaga ng shabu sa Navotas City, Lunes ng gabi.

Sa report kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ronaldo G. Ylagan, kinilala ang mga nadakip na sina Ronniel Ereno, alyas “Onel,” 22, binate, nakatira sa No. 135 M. Domingo Street, Barangay Tangos; Randel Dela Cruz, 24, mangingisda; Shiela M. Eyena, alyas “Maria,” ng No. 153 Abiola Street, Barangay Tangos, South at Christopher James Ag. Aguilar, alyas “CJ,” 29, residente ng No. 7A Katipunan Street, Muzon, Malabon City.

Ayon kay Director Ylagan, nagkasa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Navotas Police sa koordinasyon ng Philippine Drrug Enforcement Agency (PDEA).

Sa kahabaan ng Togo Street, Barangay Tangos North, Navotas City ang tagpuan nila ng isa sa mga tauhan ng SDEU na nagkunwaring poseur buyer.

Dakong 8:20 ng gabi, naunang dumating sa lugar ang apat na suspek at matapos ang ilang sandali dumating na ang pulis at umiskor ng isang plastic sachet ng shabu ng halagang P8,000.

Matapos ang abutan, doon na dinampot ng ibang pulis ang apat at nasamsam pa sa kanila ang 855 gramo ng shabu na may market value na P5,814,000.00.

Si Dela Cruz ay nasa drug watch list ng SDEU at naharap silang apat sa Violation of Sec. 5 and 11 ng RA 9165.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?