677

By

4 na kaso ng meningo sa Batangas kumpirmado – DOH

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) sa Calabarzon na positibong kaso ng meningococcemia ang dahilan ng pagkasawi ng apat na pasyente na tinamaan ng sakit sa lalawigan ng Batangas.

Ang kumpirmasyon ay ginawa ng DOH-Calabarzon matapos lumabas ang pagsusuri na ginawa ng Research Institute for Tropical Medicine – Alabang sa apat na kaso.

Base sa tala ng DOH, ang apat na pasyente, kabilang ang tatlong bata, ay namatay sa pagitan ng Setyembre 22 hanggang Oktubre 4, 2019.

Pinakahuling nasawi ang apat na buwang sanggol mula sa bayan ng Lian na sumakabilang-buhay nitong Biyernes habang nakaratay sa San Lazaro Hospital sa Maynila.

Noon namang Setyembre 28 at 29, nasawi rin sa nasabing hospital ang mga batang isang taong gulang at dalawang taong gulang na kapwa nagmula naman sa Nasugbu.

Ang unang naitalang kaso ay ang pagkasawi ng isang overseas Filipino worker mula Dubai na namatay sa isang ospital sa Tanauan City noong Setyembre 22.

Ayon sa DOH, inaalam pa kung positibo rin meningococcemia ang isa pang 46-anyos na babae na mula naman sa bayan ng San Jose.

Tinutunton pa ngayon ng mga awtoridad ang mga nagkaroon ng kontak sa mga pasyenteng tinamaan ng nakakahawang sakit.

Tinanggi naman ng DOH na may outbreak na ng naturang sakit sa Batangas.

Ito aniya ay hiwa-hiwalay na kaso, dahil magkakalayo ang mga lugar ng mga biktimang tinamaan ng sakit.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?