177

By

4 na drug suspects huli sa buy-bust, P1.1 M shabu nasamsam

Arestado ang apat na suspek ng ilegal na droga sa ikinasang buy-bust operation sa Taguig City kung saan ay nasamsam ang P1.1 milyong halaga ng shabu nitong Biyernes (Abril 26).

Ayon sa police report mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) kinilala ang mga suspek na sina Joseph Marcelo, Ronald Kerwin Bustos, Anthony Cruz, at Robert Saligan.

Saad ng kapulisan, ang mga suspek ay miyembro ng criminal gang na sangkol sa illegal drug activities na nakalista sa kanilang watchlist sa Southern Police District (SPD).

Naaresto na umano ang mga ito at nasampahan na ng kaso sa Taguig at Makati courts noong nagdaang dalawang taon ngunit binasura ang kaso nito.

Dagdag pa ng mga pulis, ang mga suspek ay konektado rin sa grupo ng mga high-value targets sa Taguig City na nagsasagawa ng mga illegal drug activities.

Sa naganap na buy-bust operation, nasamsam ng mga pulis ang anim na sachet ng shabu na may bigat na 165 grams at nagkakahakaga ng P1,122,000.

Isinagawa ang buy-bust sa Brgy. Napindan, Taguig City, dakong alas-12:30 ng umaga nitong Biyernes.

Nasamsam din ang isang kalibre 45 pistol, isang 9 mm pistol, at tatlong magazine, mga bala ng baril, isang hand grenade, at marked cash na ginamit sa buy-bust.

Kasalukuyang nakakulong na ang mga suspek sa Taguig police station at nahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, illegal possession of firearms and ammunition at sa paglabag sa election gun ban ng Commission on Elections.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?