13

Feb 23, 2021 @ 17:01
By

4 na buwang sanggol sapul ng COVID-19 sa Pasay; mga magulang pinag-doble ingat

Hinimok ng alkalde ng Pasay City ang publiko na mas mag-ingat matapos may magpositibong mag-ina sa COVID-19 sa kanilang lungsod.

“Doblehin po natin ang pag-iingat sapagkat wala po talagang sinasanto ang sakit na ito at hindi namimili kung bata o matanda ang magiging biktima,” wika ni Mayor Emi Calixto-Rubiano.

“Mapanganib talaga ang sakit na ito at ang isa sa mabisang panlaban ay ang isasagawa nating immunization campaign at kung mahal natin ang ating mga pamilya ay dapat makiisa tayo at suportahin natin ito,” dagdag pa niya.

Aniya, tutugunan naman ng lokal na pamahalaan ng Pasay ang mga kakailanganing tulog ng mag-inang tinamaan ng virus.

“Makakaasa po silang mag-ina ng tulong mula sa ating lokal na pamahalaan sapagkat bilang isang ina rin ay talagang nag-aalala ako at hindi ko po maisip ang aking gagawin kung malalagay sa panganib ang aking anak na sanggol,” wika ng alkalde.

Samantala, patuloy naman aniyang kumikilos ang kanilang LGU sa pagsupo ng patuloy na pagkalat ng virus.

Kaugnay nito, nanawagan si Rubiano sa mga residente na makiisa sa pagkilos ng kanilang lokal na pamahalaan.

“Ang ating lokal na pamahalaan ay patuloy po na gumagawa ng mga hakbangin upang agarang mapigilan ang pagdami ng kaso sa pamamagitan ng mas aktibong contact tracing, RT-PCR testing at maraming iba pa,” pahayag niya.

“Subalit mababalewala ang lahat ng ito kung hindi makikipagtulungan ang ating mga mamamayan at maaaring mapahamak pa po ang mga walang muwang na mga bata,” dagdag pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?