4
bir2
By

4 kumpanya, inireklamo ng tax evasion ng BIR

Sharing is caring!

Nagsampa ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng panibagong mga reklamong tax evasion sa Department of Justice (DOJ) laban sa apat na pribadong kumpanya na nabigong magbayad ng kanilang obligasyon sa gobyerno.

Kabilang sa mga inirereklamo ngayon ang mga negosyanteng sina Stephen Ignacio Panadero, may-ari ng Brightways Labor Contractor Services na nasa construction business at nakabase sa Taguig City.

Ayon sa BIR, hindi nagbayad si Panadero ng P6.8-million na buwis ng kanyang kumpanya para sa taong 2008 at 2012.

Nahaharap din sa reklamong paglabag sa Tax Code ang HSI Philippines Incorporated na nakabase sa Makati City.

Sa records ng BIR, umaabot na ang tax liability ng HSI sa P4.8-million para sa taxable year 2007.

Pumapalo naman sa P20.11-million ang hinahabol na buwis ng BIR sa Salritsu International Trading Corporation para sa taong 2006.

Ipinagharap din ng BIR ng criminal complaint ang Arrow Freight Corporation na nakabase sa Valenzuela City na nasa hauling at transport business.

Ayon sa BIR, pumalo na sa P27.6-million ang tax liability ng Arrow Freight para sa taxable years 2016 at 2017.

Sinabi ng BIR na matagal na nilang pinadalhan ng notice ang mga ito na may mga kinakailangan silang bayarang buwis sa pamahalaan subalit hindi tumalima kaya tinuluyan nilang sampahan ng reklamo sa DOJ. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?