166
shabu91
By

4 kilong high-grade shabu, nasakote sa mag-ina

Nasa apat na kilong high-grade shabu na nakalagay sa lata ng tomato sauce at may street value na P27 milyon ang nakumpiska sa isang mag-ina sa Navotas City kaninang umaga.

Sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), alas-sais ng umaga nang maaresto sina Edna Valenzuela, 50, at Judy Ann Valenzuela, 26, pawang mga residente ng Barangay San Roque ng nasabing lungsod.

Ayon kay PDEA Central Luzon Regional Dir. Atty. Gil Pabilona, nakatanggap sila ng impormasyon na may high-grade shabu umano sa dalawang box na ide-deliver sa nasabing lungsod.

Upang makasiguro, hinayaan ang mag-ina na kunin ang nasabing package sa Clark International Airport sa Pampanga.

Galing pa umano sa Las Vegas, Nevada ang naturang package.

Mabilis silang nadakip ng mga awtoridad matapos sundan sa kanilang bahay.

Samantala, itinanggi ng mag-ina na sangkot sila sa shabu.

Hindi umano nila alam na shabu ang laman ng package at inalok lamang umano sa kanilang tanggapin ng ilang mga kaibigan dahil sa kikitain nilang pera.

Sa ngayon ay nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga awtoridad hinggil dito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?