36

Oct 27, 2019 @ 22:30
By

4 huli sa cara y cruz pusta shabu sa Pasig

Kulungan ang bagsak ng apat na tao matapos malambat sa paglalaro ng cara y cruz kung saan shabu ang ginagawang pampusta, Sabado ng gabi sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City.

Batay sa nakalap na ulat mula sa tanggapan ng Eastern Police District, inaresto sina Renante Delos Santos, 48-anyos, construction worker; Jean Jean Matute, 34-anyos, Khoji Maruyama, 21-anyos, construction worker at Mark Jaylord Berquillo, 26-anyos, pawang mga residente ng Pasig City.

Inaresto ang apat makaraang makatanggap ng tip ang mga tauhan ng pulisya kaugnay sa iligal na pagsusugal sa kalsada at dahil na rin sa pag-iingay bandang alas-8:30 ng gabi, Oktubre 26, 2019, sa kahabaan ng Riverside Ilugin, Phase 2 sa nasabing barangay.

Agad na rumesponde ang pulisya at naaktuhan ang pagka-cara y cruz ng mga suspek at agad na nalambat at nang kapkapan ay nakuhanan ng dalawang sachet na naglalaman ng shabu, nakumpiska rin ang tatlong piso na gamit bilang pangara at P200 bet money.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa Pasig detention cell at nahaharap sa mga kasong paglabag sa PD 1602 at RA 9165.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?