36
qcpd
By

4 establisyimento sa QC, sunod-sunod binulabog ng bomb threat

Apat na establisyimento na ang humingi ng saklolo matapos bulabugin ng bomb threat sa Quezon City.

Batay sa natanggap na reklamo ni PMajor Ferdinand Duren, Deputy station commander ng Quezon City Police District (QCPD) Kamuning Police Station 10, alas-10:00 ng umaga (July 12) ay nakatanggap ng bomb threat ang Family Health Spa at Empacho Restaurant na kapwa matatagpuan sa Tomas Morato Bldg., kanto ng Tomas Morato Avenue at Roces, Brgy. Sacred Heart, QC.

Dakong alas-kuwatro ng hapon (July 12) ay nakatanggap din ng bomb threat ang Half Saints na matatagpuan sa Unit 9, Ground Floor, The Ignacia Place sa Sgt. Esguerra Ave., Mother Ignacia Ave., Brgy. South Triangle.

Sa pahayag ni Kate Montero, staff ng Half Saints, may tumawag sa kaniyang cellphone at nagpakilalang Kumander Jaguar Sultan at humihingi ng P50,000 at nagbantang kung hindi magbibigay ay pasasabugin ang kanilang gusali.

Ayon kay PMajor Duren, posibleng ginagamit ng mga prank caller ang ‘reservation number’ ng mga restaurant na nakapaskil sa lugar o social media accounts na nais manakot o pagkakitaan ang mga establisiyimento.

Aniya, magkakaiba ang number na ginamit sa pagtawag pero inaalam pa kung iisang tao lamang ang source nito.

Pero aniya, pawang nagnegatibo naman sa anumang pampasabog ang mga nasabing establisyimento.

Magugunitang nitong nitong Huwebes ng madaling-araw (July 11), ini0report kay Psupt. Louise Benjie Tremor, hepe ng Kamuning Police Station (PS 10) ng Quezon City Police District (QCPD), dakong alas-12:40 ng madaling-araw ay hinagisan ng MK-2 hand grenade ang harapan ng Chung Mi Rae Korean Restaurant na matatagpuan sa Scout Tuazon sa kanto ng Timog Avenue, South Triangle.

Wala namang nasaktan sa insidente pero nasira ang dalawang bagong sasakyan na nakaparada sa lugar na isang Toyota Innova at isang Ford Explorer.

Pero agad namang pinawi ni QCPD Director PBGen. Joselito Esquivel Jr., ang pangambang may kaugnayan sa terorismo ang pangyayari.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?