74

Dec 25, 2017 @ 19:26
By

4 de-armas na lalaki dinakma sa QC

Hindi naitago ng apat na sibilyan ang kanilang mga dalang baril matapos na makapkapan ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) na nagpapatrulya sa kalagitnaan ng pagdiriwang ng Kapaskuhan sa iba’t-ibang lugar sa Quezon City.

Unang nadakip ng mga tauhan ni Supt. Robert Sales, hepe ng La Loma Police Station. si Raffy De Guzman, 28-anyos, residente ng Sta. Cruz, Maynila.

Dakong alas-1:20 ng madaling araw nang sitahin ng mga awtoridad si De Guzman sa Tagaytay St., near corner A. Bonifacio Ave., Brgy. San Jose, Quezon, kung ano ang nakabukol sa kanyang baywang.

Nang siya ay kapkapan ng mga awtoridad ay nabuking na isang kalibre 38 baril na may limang bala ang nakuhang nakasuksok doon.

Dakong ala-1:00 ng madaling araw, ikalawang naaresto ng mga tauhan ni Supt. Carlito Grijaldo ng Novaliches Police Station si Edwardo Tolentino, 51-anyos ng Brgy. Nagkaisang Nayon, Novaliches. Nakuha mula sa kanya ang 9mm na baril.

Nadakip namang ng mga awtoridad sa Batasan Police Station na pinamumunuan ni Supt. Rossel Cejas si Julius Peronce, dakong alas-2:00 ng madaling araw na nakumpiskahan naman ng homemade shotgun.

Habang si Juanito Ragundaz, ng Brgy. Bagong Silangan ay inaresto dakong alas-3:00 sa madaling araw at nakumpiskahan ng 9mm pistol na may siyam na bala.

Nahaharap ngayon ang apat sa paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition.

Pinuri naman ni QCPD director, P/Chief Supt Guillermo Eleazar ang pagiging alerto ng kanyang mga tauhan kaya nadakip ang apat na hinihinalang mga holdaper o may masamang intensiyon kaya may mga dalang armas.

“Ang inyong QCPD ay laging nakabantay at huhuli sa sinumang manggugulo, pati na ang mga gagamit na iligal na paputok o magpapaputok ng baril ngayon o sa bagong taon” dagdag ni Eleazar.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?