107

Dec 15, 2017 @ 14:34

4 bata patay sa salpukan ng tren at school bus sa France

Patay ang apat na kabataan habang 20 pa ang nasugatan, 11 dito ay kritikal ang kondisyon, matapos sumalpok umano ang tren sa school bus ng mga biktima sa katimugan ng France.

Nabunggo ng tren ang bus na sakay ang may 20 estudyante sa Millas, ayon sa AFP.

Ayon umano sa public prosecutor na si Jean-Jacques Fagny, grabe ang tama ng pagkakasalpok sa bus kung saan nahati pa ang sasakyan.

Idineploy ang may 95 emergency workers na may back-up na apat na helicopter sa pagsagip sa mga biktima.

Sinabi naman ni Prime Minister Edouard Philippe, na nagtungo sa Millas sakay ng helicopter, hirap ang mga awtoridad na matukoy ang pagkakakilanlan ng mga biktima.

Ang mga kabataan umano na biktima ay nasa edad mula 13 hanggang 17.

Aniya, prayoridad umano nila sa ngayon ay makapagbigay ng tamang impormasyon sa mga pamilya ng mga biktima.

Sa pahayagang L’Independant naman, sinabi ng isang pasahero ng tren na pinangalanan lamang na ‘Barbara’, masyado umanong malakas ang impact ng pagkakasalpok ng tren na kumawala na sa riles.

Sa ngayon ay hindi pa umano malinaw ang rason sa banggaan na iniimbestigahan na kasalukuyan nang iniimbestigahan.

Nakatakda namang isailalim sa alcohol at drug tests ang driver ng bus at tren.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?