90

Mar 23, 2019 @ 14:54
By

4 bahay natupok ng kandila, mag-lolo nalapnos

Parehong nagtamo ng mga lapnos sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang isang lolo at kaniyang apo nang lamunin ng apoy ang kanilang tahanan sa Barangay Kalawaan, Pasig City, madaling-araw ng Sabado.

Nakilala ang mga biktima na sina Recter Panganiban, 70; at Princess Panganiban Rebuso, 16, na agad naisugod sa kalapit na ospital.

Sa ulat Pasig City Bureau of Fire Protection, sumiklab ang sunog dakong alas-kuwatro ng madaling-araw sa No. 42 Elisco Road, sa Barangay Kalawaan ng nasabing lungsod.

Ayon sa report, walang kuryente sa naturang tahanan kaya’t gumamit sila ng kandila na posibleng natumba at pinagmulan ng sunog.

Tatlo pang kabahayan ang nadamay sa sunog bago ito tuluyang naapula ng mga bumbero dakong ala-5:31 ng madaling-araw.

Hindi pa batid kung magkano ang halaga ng mga ari-arian ang naabo sa nasabing sunog kung saan 10 pamilya ang nawalan ng tahanan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?