353

Jul 28, 2019 @ 16:05
By

4 babae nalitson sa kandila

Nalitson nang buhay ang apat na kababaihan kabilang ang 80-anyos na lola na naka-wheelchair, habang sugatan ang isang lalaki nang sumiklab ang sunog sa isang condominium unit sa Brgy. Pasong Tamo, Quezon City nitong Linggo nang madaling-araw.

Kinilala ang mga namatay na sina Genevieve Era, 46; Emma Canlas, 80; Serna Canlas, 38; at Christine Villaverde, nasa hustong gulang, habang nagtamo naman ng 2nd degree burns si Oliver Canlas, 50.

Batay sa ulat ng Talipapa Police Station 3 (PS-3) ng Quezon City Police District (QCPD), dakong alas-2:26 nang madaling-araw ay nasa kasarapan nang pagtulog ang mga biktima nang sumiklab ang sunog sa Unit 114 ng Bliss Condominium, sa Himlayan Road, Brgy. Pasong Tamo, na pagmamay-ari umano ni Era.

Agad na nasawi sina Era at Emma na natagpuan sa tabi ng kanyang wheelchair habang naisugod pa sa magkahiwalay na pagamutan sina Serna at Christine ngunit kinumpirma ni SFO1 Timoteo Doltra na binawian na rin ng buhay ang mga ito habang nilalapatan ng lunas dahil sa suffocation at pagkasunog ng katawan.

Patuloy pa rin namang ginagamot at inoobserbahan sa Quezon City General Hospital si Oliver.

Inabot lamang ng ikalawang alarma ang sunog na nagsimula umano sa natumbang kandila nang mawalan ng kuryente bago tuluyang naideklarang fire out ng mga pamatay-sunog dakong alas-3:22 nang madaling-araw.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?