7
endagered-species
By

4 arestado sa P10-M endangered species

Sharing is caring!

Tinatayang nasa P10 milyong halaga ng 300 iba’t ibang uri ng hayop na karamihan ay endangered species ang nasagip ng pinagsanib na puwersa ng National Bureau of Investigation (NBI) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) kamakalawa ng gabi sa Brgy. 188 sa Pasay City.

Nadakip dahil sa pagbebenta nito si Abraham Bernales, may-ari ng bahay, at mga caretaker nito na sina Joner Bawente, Nestor Turion at Jose Sandigan, na pawang nasa hustong gulang, at naninirahan sa San Gregorio Village ng nasabing lungsod.

Base sa report, alas-7:30 ng gabi nang salakayin ng mga operatiba ang bahay ni Bernales.

Ayon kay Atty. Czar Eric Nuqui, hepe ng Environmental Crime Division ng NBI, nakatanggap sila ng impormasyon na may nagaganap na big-time wildlife trafficking at dinadala ang mga hayop sa naturang lugar.

Dito na sila bumuo ng team kung saan isa sa mga operatiba ng NBI ang nagpanggap na bibili ng isang Black Palm Cockatoo sa halagang P100,000.

Nang aktong iaabot na ni Bernales ang nasabing ibon, dito na pinasok ng mga awtoridad ang bahay kung saan tumambad sa kanila ang mga hawla kung saan nakakulong ang iba’t ibang uri ng cockatoo na itinuturing nang endangered species tulad ng Sulphur-Crested, Moluccan at Black Palm.

May mga ibinebenta ring Rainbow lorikeet at Black-Capped Lory na nasa listahan ng endangered species na mga ibon.

Nadiskubre rin sa lugar ang mga Sugar Glider, tatlong Juvenile Ostrich, at dalawang Kangaroo.

Karamihan sa mga ibon ay galing sa Indonesia na ibinebenta rin online dito sa bansa.

Ayon kay Rogelio Demelletes Jr., ng DENR-Biodiversity Management Bureau, walang permit ang lugar at hindi maayos ang pag-aalaga sa mga hayop.

Samantala, dinala sa rescue center ng DENR sa Quezon City ang mga hayop at isasailalim sa quarantine.

Depensa naman ni Bernales, bagaman sa kanya ang bahay ay pinatago lang sa kanya ang mga hayop.

Pero sa pag-amin ng mga caretaker, nagbebenta talaga ng mga ibon si Bernales at sinusuwelduhan sila ng P10,000 kada buwan.

Sa ngayon ang apat ay nahaharap sa kasong paglabag sa Wildlife Resources Conservation and Protection Act.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?