156

Nov 6, 2017 @ 11:48

4 ang pumalo kay Atio – Marc Anthony Ventura

Ibinunyag kanina ni dating Aegis Juris fraternity officer Marc Anthony Ventura na apat na kasama niya ang pumalo o nag-paddle kay University of Santo Tomas law student Horacio “Atio” Castillo III.

“Apat po you honor,” sagot ni suspect-turned-state witness na si Ventura sa pagtatanong ni Sen. Win Gatchalian sa pagpapatulog ng pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs sa pagkamatay ni Castillo

Subalit paglilinaw ni Ventura, hindi umano siya kasama sa mga nag-paddle kay Atio. Tumanggi rin itong pangalan ang apat na miyembro ng fraternity na pumalo kay Atio.

Paglalahad pa ni Ventura, bago ang pag-paddle, sinuntok muna braso si Atio ng mga kasapi ng grupo na nandoon.

“Sa opinyon ko po, ang pinakamasakit sa braso,” sagot ni Ventura nang tanungin ni Gatchalian kung ang pinakamasakit na proseso sa initiate rites.

Kuwento pa nito, ang huling bahagi ng initiation rites ay ang paddling kung saan doon na bumagsak si Atio at hindi na makatayo dahil sa sakit na naramdaman nito.

Tinutulungan naman umano si Atio nang mga kasama niya para umupo subalit hindi na umano itong naging responsive.

Sa pagtatanong pa ni Gatchalian, inamin ni Ventura na sa pagitan ng 30 hanggang 40 minuto bago isinugod si Atio sa Chinese General Hospital.

Kinuwestyon din ng senador kung bakit hindi sa pinakamalapit na ospital dinala si Atio, subalit walang maisagot si Ventura sa pagdinig. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?