1,738

Nov 25, 2021 @ 16:10
By

4 anak ng presidente sanib-pwersa para sa UniTeam

Tatlong anak ng mga dating presidente at ang anak ng kasalukuyang presidente ang nagsama-sama para sa paparating an 2022 elections.

Pumasok sa isang kasunduan ang mga partido nina Davao City Mayor Sara Duterte Carpio, anak ni Pangulong Rodrigo Duterte; Pampanga Rep. Juan Miguel Arroyo, anak ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo; dating Senator Jinggoy Estrada, anak ni dating Pangulong Joseph Estrada; at dating Senator Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., anak ni dating Pangulong Ferdinand Marcos at ngayon ay bahagi na ng UniTeam Alliance.

Ang UniTeam Alliance Agreement ay pinirmahan ngayong Huwebes ng Partido

Federal ng Pilipinas (PFP), Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD), Hugpong Ng Pagbabago (HNP), at Pwersa ng Masang Pilipino (PMP).

Si Marcos ang presidential candidate ng PFP samantalang si Carpio ang vice presidential candidate at chairperson ng Lakas-CMD at chairperson din ng HNP. Si Estrada naman ang pangulo ng PMP at si Rep. Arroyo ang Executive Vice-President ng Lakas-CMD.

Ang koalisyon ay binuo upang suportahan ang Marcos-Sara tandem.

“Whereas, in view of the shared vision of the Convenor and Partners, all parties have agreed to forge this ALLIANCE that will pave the way for unity, strength and continued positive change for the country,” sabi ng bahagi ng dalawang pahinang kasunduan.

Ang kasunduan ay pinirmahan nina Lakas-CMD president at House Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez, PFP President at South Cotabato Gov. Reynaldo Tamayo, Jr., HNP President at Davao Occidental Gov. Claude Bautista, at Estrada. (Billy Begas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?