504

Dec 15, 2017 @ 17:51
By

4 alkalde sa Southern Luzon, hinubaran ng police powers

Tinanggalan ng ‘supervisory’ at ‘control powers’ ang apat na alkalde sa Southern Luzon sa kani-kanilang mga kapulisan dulot ng kanilang diumano’y kinasasangkutang aktibidad sa iligal na droga at iba pang grave offenses.

Ayon kay officer-in-charge Catalino Cuy ng Department of Interior and Local Government (DILG), isa si Lucena City Mayor Roderick Alcala ng lalawigan ng Quezon ang inalisan ng ‘police powers’ sa ilalim ng Napolcom Resolution 2017-611.

Kabilang sa listahan ng tinanggalan ng ‘police powers’ ay ang mga alkalde ng Bay at Los Baños, Laguna at Ibaan, Batangas.

Hindi naman tinukoy ng DILG ang kadahilanan ng pag-recall ng police control ng mga nasabing alkalde.

Kamakailan lamang, limang alkalde ng Southern Tagalog ang inalisan ng pamumuno sa kani-kanilang kapulisan dahil sa akusasyon naman ng drug trafficking.

Sa ipinalabas na Resolution 2017-611 noong Disyembre 11, pinangalanan sina Mayor Juan Toreja ng Ibaan, Bruno Ramos ng Bay, at Ceasar Perez ng Los Baños na kabilang sa mga naalisan ng kapangyarihan na pamunuan ang kani-kanilang kapulisan.

Sa ilalim ng batas, ang Napolcom ay may kapangyarihan na kastiguhin ang sinumang lokal na opisyal na masasangkot sa iligal ng droga at iba pang pagkakasala, kasama na ang madalas at walang pahintulot na pagliban sa trabaho.

Ang pagkakasangkot ni Mayor Alcala sa iligal na droga ay nagmula sa mga report na kanyang pinamamahalaan ang drug operations ng kanyang uncle na si Cerilo ‘Athel’ Alcala, na ayon sa Philippine National Police ay isa umanong top drug lord sa Quezon.

Ang anak ni Cerilo na si Sajid ay nakasuhan din ng drug-related offense at ngayon ay nasa kustodiya ng kanyang uncle na si Rep. Vicente ‘Kulit’ Alcala.

Noong 2016, pinabulaanan ng Quezon provincial police na hindi siya sangkot sa droga.

Ang mga Alcala ay isang makapangyarihang angkan sa Quezon na pinangungunahan ng tiyuhin ni Mayor Alcala na si dating agriculture secretary Proceso Alcala.

Samantala, ayon kay Mario Guanzon, abogado at direktor ng DILG Public Affairs and Communications Service, may mga lokal na opisyal na sangkot sa kalakaran ng iligal na droga ang umaapela na maalis ang kanilang mga pangalan sa listahan ng Napolcom.

Aniya, ilan sa mga ito ay nakikiusap sa kanilang barangay units na i-vouch ang kanilang good character, at ang ilan ay humihingi pa ng clearance mula sa Philippine Drug Enforcement Agency at umaapela sa Office of the President.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?