17

Feb 5, 2021 @ 18:06
By

4.2% inflation pabigat sa mga naghihikahos – Pangilinan

Ang 4.2 porsiyentong inflation nitong Enero 2021 ay deklarasyon lang ng pagtitiis ng mga Pilipino nitong nagdaang mga buwan tulad ng pagtaas sa presyo ng pagkain, mababang kita, kawalan ng trabaho at kakarampot na economic relief ng gobyerno.

Ito ang sinabi ni Senador Francis Pangilinan kaya’t kailangang kumilos na ang pamahalaan para punan ang kumakalam na sikmura ng mamamayan sa gitna ng pandemya.

“Higher inflation is problematic for the economy, but most burdensome for the poor. Pabigat sa naghihikahos na. Kailangang kumilos agad ang gobyerno at punan ang kumakalam na sikmura ng marami sa ating kababayan. Use the available funds that appear to be stuck in its coffers,” sabi ni Pangilinan.

“Ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay dahil wala masyadong consumption o mamimili na dahil naman sa quarantine at sa problema ng suplay at produksyon ng pagkain,” dagdag pa nito.

Sabi ni Pangilinan, naging food security czar noong 2014, mali umano ang naisip ng gobyerno na magpatupad ng price cap sa presyo ng karne dahil ang naturang hakbang ay magpapahirap lang sa mga nagbebenta nito.

May tatlong solusyon itong iminungkahi para mapababa ang presyo ng mga bilihin.

Una, habulin ang mapagsamantalang mga negosyante; pangalawa, magkaroon ng transparent at tamang importasyon para hindi masaktan ang local industry at pangatlo, dagdagan ang suplay na magmumula sa Visayas at Mindanao.

“Dapat nakikita na natin na mayroong mga sinasampahang kaso. Dapat nakikita natin na may coordination ang Bureau of Customs, Department of Agriculture, Bureau of Animal Industry at Department of Finance para transparent itong proseso ng pag-i-import,” paliwanag ni Pangilinan.

“Dapat makita rin natin iyong dagdag na supply mula sa local gaya ng Visayas at Mindanao. Dagdagan na ang ayuda para sa cost ng transport na manggagaling sa ibang probinsya na ASF-free,” dagdag nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?