20

Sep 28, 2018 @ 20:20
By

3rd win ibinigay ni Magullano sa EAC

Balik sa panalo ang Emilio Aguinaldo College Generals, nalusutan ang College of Saint Benilde Blazers 69-67 sa NCAA 94, Biyernes sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.

Bagama’t wala nang pag-asa para sa Final Four ang Generals, mahalagang laban pa rin ito ayon sa kanila.

“I know this game is very important to CSB pero sabi ko kanina sa interview sa akin, mas lalong importante ito sa amin kasi kung kami matatalo dito kami ang mapupunta sa bottom,” wika ni Generals coach Ariel Sison.

Bahagyang umangat sa 3-11 win-loss record ang EAC, bagsak naman sa ikalimang puwesto ang Blazers 8-6.

Si JP Magullano ang nanguna para sa Generals na pumoste ng 18 puntos, siyam na rebounds at isang assist katuwang si Hamadou Laminou na may 13 puntos, pitong rebounds at isang assists.

“Isa lang naman ‘yung iniisip namin, ‘yung manalo kasi naglaho na ‘yung pangarap namin na mag-Final Four, eh may natitira pang limang laro tapos ‘yung mga past few games namin puro talo,” wika ni Magullano.

“Kaya sabi ni coach kahit lima na lang ‘yan, kahit down na down na tayo kailangan pa rin lumaban, kailangan natin ipakita na hindi tayo talunan.”

Sa huling segundo ng laro ay pagkakataon sana ang Blazers na maipuwersa sa overtime ang laro pero talagang maganda ang depensa ng Generals kaya naselyuhan nito ang panalo.

Nanguna sa CSB si Yankie Haruna na may 18 puntos, pitong rebounds at tatlong assists.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?