12

Sep 8, 2021 @ 13:46
By

375 contractual employees ng PCOO hindi trolls

Muling itinanggi ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) na social media trolls ang kinuha nitong 375 contract of service employees noong 2020.

Sa deliberasyon ng House Committee on Appropriations, nagtanong si ACT Teachers Rep. France Castro sa mga opisyal ng PCOO kaugnay ng mga contractual employee na binayaran nito ng P71 milyon noong 2020.

“Hindi ba ito irregular and tainted of anomalies at tingin nyo po ba waste of fund ito?” tanong ni Castro.

Nakabatay ang tanong ni Castro sa ulat ng Commission on Audit (COA) kaugnay ng contract of service na kinuha ng PCOO na 260% mas marami kumpara sa mga regular employee nito.

Sinabi ni PCOO Undersecretary Kris Ablan na maraming trabaho ang iniatang sa balikat ng ahensya kaya kinailangan nitong magdagdag ng empleyado.

“We do not think that the increase of contract of service for 2020 was unusual given the circumstances. The Executive branch required us to address many communications concerns,” sabi ni Ablan.

Bukod sa pagpaparating sa publiko ng COVID-19 response ng gobyerno, sinabi ni Ablan na ginamit din ang mga dagdag na tao para sa rollout ng national identification program.

“We have a Memorandum of Agreement with PSA (Philippine Statistics Authority) and so much of this contract of service were hired because of this project,” dagdag pa ni Ablan.

Humupa na umano ang pangangailangan sa dagdag na empleyado kaya nabawasan na ang mga contracts of service ng PCOO.

Ibinalita rin ni Ablan na pinayagan ng Department of Budget and Management (DBM) ang hiling ng PCOO na dagdagan ang regular na empleyado nito at marami umano sa 375 na kinuha dati bilang contractual ang nakapasok sa regular na posisyon.

“Sure po ba ang PCOO na hindi ninyo ito ginamit sa trolling…. Kasi nung mga panahon na yan Mr. Chair nauso po talaga yung social media trolling,” tanong muli ni Castro.

Sagot naman ni Ablan: “We can sure her that none of the 375 were part of a troll farm…. All of them are personnel providing specific task for the PCOO.”

Ang PCOO ay binigyan ng P1.91 bilyong budget sa ilalim ng 2022 National Expenditure Program (NEP), mas mataas sa P1.62 bilyong budget nito ngayong taon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?