217

Jan 1, 2018 @ 12:41
By

35 truck ng basura nahakot sa Luneta

Umabot sa 35 trak ng basura ang nahahakot sa Luneta Park na dinayo nang husto ng mga sumalubong sa Bagong Taon.

Ayon sa mga street sweeper, alas tres pa lamang ng madaling araw kanina nang simulan nila ang paglilinis sa Rizal Park.

Pero hanggang ngayon, umiikot pa rin ang mga trak ng basura ng Luneta para tapusin ang paghahakot.

Katunayan, sinabi ni Che Borromeo, hepe ng Manila City Hall Department of Public Services, na hiningi na ng pamunuan ng National Parks Development Committee ang tulong ng lokal na pamahalaan para mapabilis ang paghahakot ng basura.

Umiikot pa rin hanggang ngayon ang tatlong trak ng basura sa Luneta para hakutin ang mga nakolektang garbage bag na pansamantalang itinambak sa tabi ng mga basurahan.

Tinatayang umabot sa 90 libo ang dumagsa kagabi sa Luneta Park at kabilang na sa crowd estimate na ito ang mga dumayo sa Quirino Grandstand.

Samantala, idinagdag naman ni Borromeo na natapos na nila ang paghahakot ng basura sa Divisoria na sa kanyang pagtaya ay umabot sa 35 truck ang nahakot.

Maging ang paghahakot sa mga public market sa buong Maynila ay natapos na rin.

Aniya, tinatayang nasa limang trak sa kada palengke ang kanilang nahakot na basura. (Rick Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?