60

Jan 31, 2020 @ 15:05
By

$348M foreign investment sa ‘Pinas binawi

Tuluy-tuloy pa ring binabawi ng mga dayuhan ang kanilang investment sa stock at money market ng bansa na nasa $348 milyon (P17.71 bilyon) na nung unang dalawang linggo lamang ng Enero 2020.

Ayon sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), 10 linggo nang tinatanggal ng mga dayuhan ang kanilang investments sa stock at money market ng Pilipinas at ang kanilang binawing $348 milyon nung unang dalawang linggo ng Enero ay higit pa sa $321 milyong kinuha nila nung Disyembre 2019.

Hindi lamang investments sa stock at money market ang apektado kundi pati na rin ang mga investments ng mga kompanya para palawakin ang kanilang kakayanan.

Tumatamlay ang pamumuhunan ng mga dayuhan sa Pilipinas dahil sa patuloy na banta na ang alinmang kontrata na papasukin nila sa pamahalaan ay maaring bawiin o palitan na lamang nang basta-basta, matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na babawiin niya ang kontrata sa tubig ng Manila Water Company Inc. ng mga Ayala, ng Maynilad Water Services Inc. ng mga Consunji at ni Manny V. Pangilinan, at ipakukulong ang mga may-ari nito.

Ang puhunan sa stock at money market ang tinatawag na “hot money” dahil madali lang itong kuhanin ng mga investor at ilipat sa ibang mga bansa.

Ang foreign direct investments (FDI) o ‘yung mga napupunta sa mga kompanya na direktang may kontribusyon sa produksyon sa bansa ay nauna nang manghina.

Dahil sa kakulangan ng FDI, paggastos ng pamahalaan at ng mga konsyumer lang ang nagpapatakbo sa ekonomiya ng bansa sa ngayon.

Sinisisi pa ng pamunuang Durterte ang naaantalang pagpasa ng badyet nung 2019 sa pagbagal ng paglago ng ekonomiya dahil hindi ito nakagastos kaagad.

Nung 2019, $1.9 bilyon (P96.71 bilyon) ang binawing hot money investments sa bansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?