56

Feb 10, 2020 @ 21:48
By

310 bagong pulis nanumpa kay PNP chief Gamboa

Ipinagdiwang ang ika-29 anibersaryo ang pagkakatatag sa National Capital Regional Police Headquarters (NCRPO) sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

Naging panauhing pandangal sa okasyon si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Archie Francisco Gamboa upang balikan ang pagkakatatag ng PNP mula sa dating Integrated National Police sa bisa ng Republic Act 6975.

Ayon kay Gamboa, ang selebrasyon at pagbisita niya sa NCRPO ay tanda ng pagnanais niyang ilapit ang National Headquarters sa mga Regional Headquarters.

Pinangunahan din ni Gamboa ang panunumpa ng 310 bagong Patrolman/Patrolwoman na binubuo ng 285 lalaki at 25 babaeng bagong pulis.

Sasailalim ang mga bagong recruit sa anim na buwang pag-aaral at physical training bago sila sumabak muli sa anim na buwang Field Training Program kung saan itatalaga sila sa iba’t ibang istasyon ng pulisya para matuto sa imbestigasyon, traffic at pagpapatrolya.

Pinasinayaan rin ang ‘ceremonial groundbreaking activity’ sa Special Action Force Open-Ground para sa iba’t ibang proyekto sa kampo.

Kabilang dito ang konstruksyon ng multi-purpose Center na may pondong P230 milyon, Grandstand at Site development na may pondong P200 milyon at Close-quarter Battle Simulation Building na may halagang P23 milyon.

Ang iba pang proyekto na nakalaan sa NCRPO ay ang P90 milyong rehabilitasyon ng Manila Police District Headquarters, Pasig Police Station na may halagang P5 milyon, P204 milyon para sa Quezon City Police District at P23 milyon para sa Southern Police District Crime Laboratory.

Inihayag naman ni NCRPO Director Police MGEN Debold Sinas, na lalong paiigtingin nila ang operasyon laban sa droga at gambling.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?