266

By

31 celebrities tinitiktikan ng PDEA

Nasa 31 mga celebrity na umano ang kabilang sa drugs watchlist ng gobyerno, ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino nitong Martes, Marso 26.

“Karamihan naman ng kanilang involvement is user. Merong pailan-ilan po silang pusher,” saad ni Aquino sa isang interview sa DZMM.

“Meron pong user ng ecstasy, cocaine, merong shabu, merong party drugs. Karamihan po party drugs,” aniya.

Ayon kay Aquino, karamihan sa mga celebrity na nasa watchlist ay gumagamit ng droga tuwing pumupunta sa mga club upang magparty.

Samantala hindi naman pinangalanan ni Aquino ang mga celebrity na nasa narco list dahil kailangan pa umano ng validation.

“Kung titingnan mo po kasi pag sa mga artista, karamihan po doon ay nasa radar na namin noon pa, kaya lang mahirap talagang hulihin,” saad nito.

Ani Aquino, nahihirapan umanong magsagawa ng surveillance operations ang mga PDEA agent dahil karamihan sa mga celebrity ay nakatira sa mga gated subdivisions.

“Ina-accept naman po namin ‘yan dahil nga unang-una napakahirap, sa mga malalaking subdivision ‘yan nakatira at alam naman po natin na hindi kami basta basta nakakapasok sa mga lugar na ganyan,” ani Aquino.

Una nang ipinahayag ni Aquino na maging ang ilang prosecutors, jugdes, at maging mga media practitioner ay kabilang sa drugs watchlist.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?