114

By

300 empleyado ng Bacolod Water delikadong masibak dahil sa Prime Water-Villar takeover

MANILA – Nanganganib na mawalan ng trabaho ang hindi bababa sa 300 na kawani ng isang malaking local water district sa Western Visayas matapos itong i-takeover ng Prime Water Corporation na pag-aari ng mag-asawang sina dating Senate President Manny Villar at Senadora Cynthia Villar.

Sa inihaing House Resolution No. 10 ng mga kongresistang miyembro ng Makabayan Bloc, nakasaad na higit sa 300 empleyado ng Bacolod City Water District (BACIWA) ang maaapektuhan ng mass layoff sa oras tuluyan nang mapasakamay ng Prime Water ng mga Villar ang operasyon ng nasabing local water district.

“Based on reports, some 300 employees of BACIWA will be affected,” saad ng HR No. 10.

Nagkasundo ang BACIWA at kumpanya ng mga Villar sa pamamagitan ng isang joint venture agreement (JVA) nitong Hunyo kung saan ang Prime Water ang hahawak ng pangkalahatang operasyon ng nasabing LWD sa loob ng 25 taon base sa nilagdaan nitong public-private partnership (PPP).

Ayon sa resolusyon ng Makabayan Bloc, minadali ang JVA para sa PPP ng Baciwa at Prime Water dahil sa kabiguan ng magkabilang kampo na magsagawa ng public consultations sa mga apektadong stakeholders.

Nais ng Makabayan Bloc na paimbestigahan sa Kamara ang umano’y minadaling deal ng BACIWA at Prime Water dahil ang kumpanya lamang umano ni Villar ang tiba-tiba rito.

“Aside from alleged lack of consultation with stakeholders, the proposed joint venture was seen to benefit only the private concessionaire,” giit pa ng Makabayan Bloc sa kanilang resolusyon.

Una nang giniit ng Makabayan Bloc na dapat imbestigahan ng Kongreso at mga sweetheart deal ng Prime Water at Local Water Utilities Administration dahil hindi bababa na 30 LWD na ang napasakamay ng kumpanya ng mga Villar sa nakalipas na apat na taon gamit ang JVA sa kabila ng umano’y palpak na customer satisfaction sa mga lugar na kanilang sineserbisyuhan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?